Thursday, March 25, 2010

Pamumutla (Anemia)

Tanong: Ako po ay 25 taong gulang. Madalas po ako makaranas ng pagkahilo tatlong buwan na ang nakakaraan. Sabi ng aking mga kaibigan, maputla raw ako. Napansin ko rin po na lumakas ang aking regla anim na buwan na ang nakaraan. Alam ko pong hindi ako buntis dahil wala naman akong nobyo. Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Maraming salamat.

Sabi ni Nanay: Ang salabat ay maaaring inumin para sa sakit ng puson tuwing may buwanang dalaw at upang huminto ang malakas na pagdaloy nito. Dikdikin ang isang pirasong luya at pakuluan sa isang tasang tubig. Dagdagan ng asukal ayon sa iyong panlasa at inumin tatlong beses araw-araw makatapos kumain.


Ang pagkain ng bulaklak ng saging ay isa sa pinakamabisang paraan upang malunasan ang malakas na pagdaloy ng regla. Lutuin ang isang bulaklak ng saging at kainin kasama nang isang tasang keso. Sa ganitong paraan, hihina ang pagdaloy ng iyong regla.

Payo ni Doktor: Ang iyong pagkahilo ay sanhi ng iyong pamumutla o anemia na nagmumula sa malakas mong regla. Nararapat na magpasuri sa iyong gynecologist o doctor na dalubhasa sa mga karamdaman ng mga babae upang malaman ang dahilan ng paglakas nito. Maraming dahilan kung bakit nangyayari iyan. Ang pinakamadalas na sanhi ay hormonal imbalance. Mula sa resulta ng mga pagsusuri malalaman ang pinakamabisang lunas para sa iyo.

Samantala, ang mga multivitamins, at ferrous o iron preparations na mabibili sa botika (over-the-counter) ay maaring inumin isa hanggang dalawang beses araw-araw upang mapawi ang iyong pamumutla at pagkahilo.


Originally posted here

No comments:

Post a Comment