Sunday, April 11, 2010

Handa Ka Na Bang Magretiro?

Sa Pilipinas, kapag umabot na sa 65 taong gulang ang isang tao, masasabing pwede nang huminto sa pagtatrabaho at mag-enjoy na lamang sa buhay. Nguni’t nakahanda ba si Juan Dela Cruz na mamuhay ng ayon sa kanyang naisin kahit walang trabaho? Naiisip kaya ni Juan ang magiging buhay kapag dumating na sa edad na ito? Habang ang tao ay nasa murang edad pa lamang, natural lamang na malayo pa sa isip nila ang bagay na ito. Kapag tumanda na si Juan kailangang mamahinga na sa pagtatrabaho o magretiro.
Ayon sa pagsusuring ginawa ng AXA Life Insurance & Investments, hindi pa handa si Juan na tumigil sa pagtatrabaho kaya kinakailangan pang magtrabaho hanggang sa pagtanda. 83% ng mga nagtatrabahong Pilipino ay nagbabalak na magtatrabaho hanggang sa pagtanda. Ito ay mas mababa kaysa iba pang 26 bansa na kung saan 54% ang nagbabalak magtrabaho hanggang katandaan.

Kahit nagtatrabaho si Juan hanggang sa katandaan, maaga niyang naisip ang pagreretiro sa gulang na 28 kumpara sa ibang bansa na 33 taong gulang. Samakatwid, kahit na maagang naisip ni Juan ang pagreretiro, hirap siya na ito ay maisakatuparan dahil sa kinakailangang suportahan ang pamilya o mga kamag-anak. Kung kaya’t hanggang sa pagtanda, siya ay nananatiling nagtatrabaho.

Isa pa sa mga dahilan kung bakit nananatiling hindi siya handa sa pagreretiro ay ang paniniwalang ang pamahalaan o ang kumpanya na kaniyang pinagtatrabahuhan ang mag-aahon sa kaniyang pagtanda. Imbes na pagplanuhan ang kinabukasan at umasa sa sarili, kakaunti lang ang nagplano at nakapag-impok para sa kinabukasan tulad ng mga pension plans.

Sa dinamirami ng mga Juan Dela Cruz na nagtatrabaho sa ibang bansa, sa tagal nila roon, at sa laki ng ipinadadalang salapi sa Pilipinas, bakit nananatiling gipit ang sitwasyon ng nakararami? Bakit hindi makaahon sa kahirapan at kinakailangang magtrabaho pa hanggang sa tumanda na? Ang mga nabanggit na paniniwala ni Juan ay nakababahala. Kailangang pag-ukulan ng pansin ang mga ito habang nasa murang gulang pa lamang upang maging maalwan sa pagtanda.

Ayon nga sa isang batikang awtor na si Robert Kiyosaki (Rich Dad Poor Dad), pwedeng maging mayaman ang isang tao kahit na nasa isang mahirap na bansa, at pwede rin namang maging mahirap kahit pa nasa napakayamang bansa. Sa aking palagay, ang ikauunlad ng buhay ng tao ay nasa sarili na rin niya. Kung papaano niya aanihin at ipagyayaman ang sarili ay nasa kanyang mga kamay. Kung namulat ang isang tao sa pag-iisip na pangmahirap, kahit na anong laki ng kanyang kinikita, magiging mahirap pa rin siya.

Marami tayong mga nakitang mga tao ng biglang yumaman dahil sa bilis ng pag-unlad ng negosyo, o biglang pagsikat sa kanilang napiling larangan tulad ng pinilakang tabing, nguni’t naghirap sa bandang huli. Sa ganitong mga kaso, maaaring hindi handa ang isang tao o hindi nakahabol ang kanyang pag-iisip sa biglang pagyaman. Nanatiling mahirap ang pananaw niya sa buhay kung kaya’t nagbalik sa mahirap na pamumuhay.

Mayroon din naman tayong mga nakitang nagsimula sa mahirap at dahil sa pagsisikap ay naging mayaman. At ang matindi pa, nanatili silang mayaman. At iyon ang mas mahirap na gawin, ang panatilihin ang pagiging mayaman.

Hindi ko nais sa sulating ito na pagtalunan na salapi lamang ang mahalaga. Bagkus, ang mahalagang mensahe ay ang kahalagahan ng pagpaplano ng buhay upang nang sa huli ay makapagretiro nang hindi na kailangan pang kumayod. Ibig sabihin, upang makapagretiro ng maunlad ang buhay si Juan Dela Cruz, dapat ay pagplanuhan niya ito habang malakas pa ang katawan at may sapat na panahon. Ito ay dapat na ituro simula sa pamamahay hanggang sa mga paaralan. Nararapat din na maensayo ito sa tuwi-tuwina. Nguni’t bago maturuan ang batang Juan, kinakailangan na ang magtuturo sa kanya ay marunong din sa pagpaplano ng salapi. Kinakailangang iwasan ang mga maling paniniwala ukol sa pera upang matutunan ang makabuluhang pananaw ukol dito. Sa ganitong paraan, uunlad ang kanyang buhay, at makapagretiro ng maayos pagdating ng takdang oras. Kung papalarin, mas maaga siyang makapagreretiro at makapag-enjoy sa kasama ng kanyang mga mahal sa buhay.


Reposted from here

No comments:

Post a Comment