Sa Pilipinas,
kapag umabot na sa 65 taong gulang ang isang tao, masasabing pwede nang huminto
sa pagtatrabaho at mag-enjoy na
lamang sa buhay. Nguni’t nakahanda ba si Juan Dela Cruz na mamuhay ng ayon sa kanyang
naisin kahit walang trabaho? Naiisip kaya ni Juan ang magiging buhay kapag dumating na sa edad na
ito? Habang ang tao ay nasa murang edad pa lamang, natural lamang na malayo pa
sa isip nila ang bagay na ito. Kapag tumanda na si Juan kailangang
mamahinga na sa pagtatrabaho o magretiro.
Ayon sa
pagsusuring ginawa ng AXA Life Insurance & Investments, hindi pa handa si
Juan na tumigil sa pagtatrabaho kaya kinakailangan pang magtrabaho hanggang sa
pagtanda. 83% ng mga nagtatrabahong Pilipino ay nagbabalak na magtatrabaho
hanggang sa pagtanda. Ito ay mas mababa kaysa iba pang 26 bansa na kung saan 54%
ang nagbabalak magtrabaho hanggang katandaan.
Kahit
nagtatrabaho si Juan hanggang sa katandaan, maaga niyang naisip ang pagreretiro
sa gulang na 28 kumpara sa ibang bansa na 33 taong gulang. Samakatwid, kahit na
maagang naisip ni Juan ang pagreretiro, hirap siya na ito ay maisakatuparan dahil
sa kinakailangang suportahan ang pamilya o mga kamag-anak. Kung kaya’t hanggang
sa pagtanda, siya ay nananatiling nagtatrabaho.
Isa pa
sa mga dahilan kung bakit nananatiling hindi siya handa sa pagreretiro ay ang
paniniwalang ang pamahalaan o ang kumpanya na kaniyang pinagtatrabahuhan ang
mag-aahon sa kaniyang pagtanda. Imbes na pagplanuhan ang kinabukasan at umasa
sa sarili, kakaunti lang ang nagplano at nakapag-impok para sa kinabukasan tulad
ng mga pension plans.
Sa
dinamirami ng mga Juan Dela Cruz na nagtatrabaho sa ibang bansa, sa tagal nila
roon, at sa laki ng ipinadadalang salapi sa Pilipinas, bakit nananatiling gipit
ang sitwasyon ng nakararami? Bakit hindi makaahon sa kahirapan at
kinakailangang magtrabaho pa hanggang sa tumanda na? Ang mga nabanggit na paniniwala
ni Juan ay nakababahala. Kailangang pag-ukulan ng pansin ang mga ito habang
nasa murang gulang pa lamang upang maging maalwan sa pagtanda.
Ayon nga sa isang batikang awtor na
si Robert Kiyosaki (Rich Dad Poor Dad),
pwedeng maging mayaman ang isang tao kahit na nasa isang mahirap na bansa, at
pwede rin namang maging mahirap kahit pa nasa napakayamang bansa. Sa aking
palagay, ang ikauunlad ng buhay ng tao ay nasa sarili na rin niya. Kung papaano
niya aanihin at ipagyayaman ang sarili ay nasa kanyang mga kamay. Kung namulat
ang isang tao sa pag-iisip na pangmahirap, kahit na anong laki ng kanyang
kinikita, magiging mahirap pa rin siya.
Marami tayong mga nakitang mga tao
ng biglang yumaman dahil sa bilis ng pag-unlad ng negosyo, o biglang pagsikat
sa kanilang napiling larangan tulad ng pinilakang tabing, nguni’t naghirap sa
bandang huli. Sa ganitong mga kaso, maaaring hindi handa ang isang tao o hindi
nakahabol ang kanyang pag-iisip sa biglang pagyaman. Nanatiling mahirap ang
pananaw niya sa buhay kung kaya’t nagbalik sa mahirap na pamumuhay.
Mayroon din naman tayong mga
nakitang nagsimula sa mahirap at dahil sa pagsisikap ay naging mayaman. At ang
matindi pa, nanatili silang mayaman. At iyon ang mas mahirap na gawin, ang
panatilihin ang pagiging mayaman.
Reposted from here
No comments:
Post a Comment