Kung sakali po Doc,mas ok po b kung wag na chemo mom ko tutal ala na naman yun matres nya?may inom cya gamot n Transer factor na nagpapalakas ng immune system nya.may mga herbal meds din cya inom n anti-cancer.Doc madami po gumugulo sa aming desisyon.Since kakailanganin din ng malaking halaga ang bawat chemo ng aking mommy.Sana po matulungan nyo po ako.Salamat po.
Sagot: Maraming salamat sa iyong email.
Ang ibig sabihin ng stage III-B endometrial cancer ay kumalat na ang cancer cells sa labas ng matres. Ito ay maaaring kumalat sa karatig na bahagi ng katawan gaya ng kwelyo ng matres o cervix, pwerta o vagina, atbp.
Dahilan nito, ang operasyon ng isinagawa sa kanya ay maaaring hindi sapat upang matanggal na husto ang mga cancer cells. Ito ay mahirap gawin sapagka't hindi lahat ng cancer cells ay madaling tanggalin sa operasyon. May mga cancer cells din na hindi nakikita sa pamamagitan ng mata lamang. Kinakailangan din ng microscope upang gawin ito.
Kung kaya't ipinayo sa inyo na dagdagan ang gamutan ng chemotherapy. Kinukumpleto nito ang gamutan. Bagama't hindi maiiwasan ang mga side effects ng kahit anumang gamot, ang layunin nito ay masaid ang cancer.
Ang mga dapat na bigyang-pansin sa ganitong sitwasyon ay ang edad, pangkasalukuyang kalusugan at uri at pagkalat ng cancer ng iyong ina. Malaking isipin din ang halaga ng gamutan. Dapat din na ihambing ang mga ito sa anumang magiging advantage/disadvantage ng gamutan para sa kanya.
Kinakailangang pag-usapan ng inyong pamilya ng mabuti kung ibig pa ninyo na mag-chemotherapy. Kung anuman ang inyong desisyon ay isangguni sa inyong manggagamot.